Monday, January 11, 2010

Huwag na nating pag-usapan ang mga teknikal na aspeto. Kahit saang anggulo tingnan, parehong obra maestra ang Bayaning 3rd World nina Mike De Leon at Clodualdo Del Mundo at ang José Rizal nina Marilou Diaz-Abaya, Ricky Lee, Jun Lana at Peter Ong Lim. Premyado ang cinematography, ang production design, ang pag-arte, at higit sa lahat, ang screenplay at pagdirihe. Kaya mas maganda sigurong pag-usapan ang magkaibang punto de bista ng dalawang pelikula sa Pambansang Bayani ng Pilipinas na italicized na, capitalized pa.

Sa una pa lang, satirikal na ang dating ng B3W. Isama ba naman sa listahan ng mga Pambansang fill in the blank ang henyong si Rizal? Litrato ng agila, National Bird,; litrato ng narra, National Tree; litrato ng mangga, National Fruit; litrato ni Rizal, National Hero. Pagkatapos ay malalaman mong hindi pala si Rizal ang main character kundi dalawang filmmakers na hindi sasabihin ang mga pangalan. Gagamitin pa siyang pangalan ng deodorant. Iisipin mo kung magiging seryoso ba ang pelikula.

Pero sa JR ni Diaz-Abaya, walang duda. Katulad nga ng sinabi ng direktor, sinubukan nilang gumawa ng isang pelikula ng Larawan ng Binata Bilang Alagad ng Sining. Henyong artista si Rizal na madalas na dinadalaw ng mga multo ng pagdududa sa sariling kakayahan, ng pagdududa sa tingin niya’y silbi niya sa bayan. Kahit anong pilit ng mga gumawa na palabasing katulad natin siyang timawa lamang o karaniwang tao, superman pa rin ang dating niya. Iisipin mo naman kung magiging totoo ba ang pelikula.

Hindi masamang isipin ang dalawang bagay na iyon. Alam mo kasing sinasadya ng mga gumawa ng dalawang pelikula na ganito ang gusto nilang isipin mo muna sa umpisa. Ang gusto mong hintayin, kung paano nila babasagin sa bandang gitna at huli ang mga nakagawian na nating mga konsepto at pagtingin kay Rizal. Ang gusto mong malaman, kung paano sasagutin ni Rizal ng B3W ang mga akusasyon nina Filmmakers 1 and 2 na pinlano naman talaga niyang maging bayani sa simula pa lang. Ang gusto mong malaman, kung ano ang gagawin ni Rizal ng JR sa kontrobersiyal na retraction scene, o kung may retraction scene nga ba sa bersyong ito.

Sa kaibuturan, pelikula ng kung paano gumawa ng pelikula tungkol sa buhay ni Rizal ang B3W. Sa maraming brainstorming at pag-aaway na pagdadaanan ng dalawang filmmakers, iisa lang ang pagkakasunduan nila: hindi magandang materyal ang pelikula ng bayani, hindi cinematic. Kahit pa nga raw isama ang pagiging matinik nito sa mga babae. Aba, sasabihin pa nila, mas maganda pa yatang isapelikula ang buhay ng uliran niyang ina. At least si Donya Loleng, pinagbintangan ng tangkang pagpatay at ipinalakad nang malayo papunta sa pagkukulungan nito.

Nagustuhan ko sa B3W na para itong paglilitis. Isa-isang dadalawin ng mga filmmakers ang mga tao sa buhay ni Rizal, na iba-iba rin ang pagtingin sa kanya. Sa huli ay hindi na nila maiiwasang kausapin si Rizal mismo, at si Rizal din mismo ang magagalit sa kanila dahil hindi nila siya ma-gets.

Tinatangka namang bigyan ng mas personal na ‘spin’ ng mga gumawa ng JR ang tila mythological na tingin natin kay Rizal. Sa ganang akin, hindi rin nila ito na-achieve. Ang dating pa rin sa akin ni Rizal ay isang higanteng may 5’3” ang taas na nakapagpabagsak ng isang imperyo sa pamamagitan ng pagsulat lamang. Maganda ang layunin nila, pero hindi ko maramdamang puwede akong makipaglokohan kay Rizal, ‘yung tipong puwede ko siyang tawagan sa telepono at yayain siyang makipagdiskusyunan tungkol sa Meteor Garden.

Melodramatic ang JR. Huling-huli nito ang lasa ng masang Pilipino. Sa eksena ng huling pagkikita ni Pepe at ng kanyang Nanay, hindi mo na dapat ikahiyang tinablan ka ng drama ng buhay nila. Kung sa B3W ay hindi cinematic ang buhay ni Rizal, gamit na gamit dito ang lahat ng telenovelaic devices na gustong-gusto ng Pilipino.

Sa ikabubuti o ikasasama, si Rizal ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na italicized na, capitalized pa. Marami pang pelikula ang gagawin tungkol sa kanya, at marami pang mga henerasyon ang lalong hindi makakaunawa sa kanya. Wika nga sa B3W, kanya-kanyang Rizal iyan. Depende sa kung sino ang nagsasalita (o sa kaso natin, sa kung sino ang may hawak ng kamera), ibang Rizal ang maipapakilala sa atin.

Sa isang banda, malungkot iyon. Di hamak na mas exciting, kung tutuusin, ang buhay at mapusok na pagmamahalan nina Diego at Gabriela Silang. Mas gusto ko yatang matuto tungkol sa buhay ng tusong pulitikong si Manuel Quezon. At pihadong mas maraming bakbakan sa tunggalian ng mga puwersa nina Luis Taruc at ni Ramon Magsaysay. Huwag din nating kalimutan ang masalimuot na buhay ni Flash Elorde, at kahit na ang makulay na buhay ni April Boy Regino.

Veneration Without Understanding, sabi nga ni Renato Constantino. Sa bansang katulad natin na mas mahilig manood ng sine at telenobela kaysa magbasa ng sarili nating kasaysayan, ang mga katulad lang ni Rizal na malakas ang box office draw ang iginagalang natin kahit hindi natin nauunawaan kung bakit dapat silang igalang. Kung may pera lang ako, gumawa na ako ng pelikula tungkol kay Mang Pandoy, o kaya tungkol sa isang labintatlong taong gulang na batang lalaking namatay habang sinasagip ang ilan ding bata mula sa pagkakalunod sa kasagsagan ng isang bagyo.

Sa pamantayang limang Rizal Underarm Deodorant (Hindi ka na mangangamoy Indio) ang pinakamataas, bibigyan ko ang Bayaning 3rd World ng apat na bote, at tatlo naman sa José Rizal.

No comments:

Post a Comment